Sunday, March 27, 2016

Singko, F. Bagsak. Ganoon.

Kanina, pagkakita ko ng F sa mga grades ko, kumain ako ng isang thigh part na manok na may kasamang kanin na dilaw, isang slice ng Hawaiian pizza at ng realidad.

Singko, F. Bagsak. Ganoon.

Nag flash back sa akin iyong mga kaba ko at anxiety na naramdaman ko netong sem na ito para sa subject na ito. Halos itong subject lang na ito inaral ko. Wala akong ibang inisip na syllabus kundi iyong sa subject na ito. Tatlong libro. Gabi-gabi hanggang umagahan sa kanto. Malala. Pakiramdam ko bar exams na siya. Hindi biro. Hindi ko rin maintindihan sarili ko bakit ako nagpakatimang ng ganoon, pero wala eh, naramdaman ko talaga siya. Parang kapag nagmahal ka tapos mali iyong tao, wala eh bigla mo na lang naramdaman. Pero hindi, mas malala ito. Mas masaklap bumagsak sa subjects sa law school kaysa ma heart-broken.

Hindi na ako virgin sa singko, nauna na ang ObliCon binyagan ako bago ito. Pero hindi ako napa-blog ng unang singko ko, ngayon, oo. Sabi ko noon, after kong sumulat ng isang blog na binasa ng halos 300,000+ beses ng kung sinu-sino, susulat lang ako ulit kapag tungkol na sa pagpasa ko sa bar ang ikwekwento ko. O kapag sa wakas, may love life na akong hindi joke joke. Pero hindi ko ito kayang kimkimin, hindi talaga, kailangan ko itong ilabas. Pramis. Paisa lang.

Masakit.

Sabi nila, “the first cut is the deepest”. Tsaring, tsaring! Basta cut, masakit iyan. Huwag nang ano.

Sa tatlong taon ko sa law school, oo umiiyak ako, minsan nga napapabukas pa ako ng bible eh, pero ngayong sem lang na ito ako napa-Quiapo nang disoras na umiiyak at walang pakiaalam kung may makakita sa akin na humahagulgol sa salamin ng nakahigang Nazareno with matching katok-katok. Sa totoo lang hindi ko alam bakit ito kinakatok pero ginagawa nila, so sunod nalang. Paulit-ulit kong sinabi Sa kanya na, Boss, gusto ko po talagang maging abogada. Gustong-gusto! Wala akong ibang pangarap kung hindi ang maging abogada. Nag-aaral naman po ako, at alam ko ilalaban ko ito hanggang dulo, kahit anong mangyari. Gusto ko po talaga, pramis magiging mabuti akong tao.

Magsasara na ang dasalan sa simbahan, at noong mga oras na iyon, hindi ko alam kung papaano ako uuwi. Parang pakiramdam na nawalan ako ng trabaho, niloko ako ng asawa ko, wala akong kapera-pera, may sakit ang nanay ng kabitbahay namin, uggh parang eksena sa pelikula. Parang ayoko na ituloy. Hina ba ng utak ko? O baka naman ipinipilit ko na masyado? Napaisip ako, baka naman hindi talaga ako para dito, baka pang mowdeling? Acting? Singer? or housewife? Baka President ng Association ng fans club ni John Lloyd Cruz, nationwide!? Sige, labu-labo na ito. Lord naman. Ang sakit-sakit naman!!!

Gusto kong kompyutin lahat ng ginastos ko sa Starbucks at Mcdo sa kanto namin at mga itinakas ko sa opisina at ikinaltas sa sahod ko para lang makapag-aral sa kanto ng subject na ito. Tuwing Tuesday, naka sick leave ako haha!! Tumakas pa ako sa klase ni Judge para lang makahabol ng basa dito, gumapang palabas ng library kasi nandoon din siya, papaano ako lalabas? haha. Bago pa magsimula ang sem, binabasa ko na itong subject na ito. Kahit nasa ibang bansa ako, dala-dala ko ang makapal na libro ni Dean. Gusto ko siyang ipasa, ng isang take lang. Kasi kaya naman nila eh. Kaya nila. Bakit ako hindi? Pero bumagsak ako, bumagsak pa rin ako. Alam ko naman na noong una pa lang, walang patutunguhan ang 35/100 kong midterm exam. Haay saklap! Na kahit perpekin ko ang finals at kahit dumaan pa ang Holy Spirit kay Ma'am, sasablay pa rin talaga. Pero nag dasal ako, sa Sto Domingo, sa Saint Peter's, sa Quiapo, sa Saint Jude, sa mga nadadaanan kong simbahan habang nakasakay sa jeep, ibinubulong kong sana pumasa ako dito. Nilaban ko parin, kasi dati, iyong 23/100 nailaban ko at nagawa kong maconvince ang prof kong I-tres ako kasi na top ko final exam niya. Pero sa Civ Pro!? Haha malabo. Lokohan na lang. haha

Bakit nga ba gusto kong maging abogada? Hirap-hirap. Wooo. Di pa ba matatapos ito?

Hindi ko alam. Kaechusan nalang naman talaga kapag “para makatulong sa mahihirap”, ate, pwede naman kahit hindi ka abogado. Huwag kang ano. Haaaayy, naubos ko na ata lahat ng hangin ng QC sa lalim ng buntong hininga ko. Sorry sa mga kapitbahay ko, isang gabi lang. Please. 

Masakit bumagsak. Kasi alam mong nag-aral ka eh. Medyo minalas ka lang kasi hindi mo nadaanan mga natanong sa exam. Kulang pa, teh. Effort pa.

Sa tatlong taon, wala akong ibang inisip kung hindi ang matapos na ito. Binibilangan ko sarili ko kung ilang pasko at valentine pa akong single, chos, kung ilang beses pa bago ako makabitan ng “ATTY.” sa pangalan kong may Mary. Pakiramdam ko kasi parang naka-pause buhay ko. Hindi ko maoohan mga magagadang trabaho na sana, kung tinanggap ko, maluwag na sa finances pamilya ko. Baka kung sakaling ibang field tinahak ko, hindi lang break-even expenses ng pamilya ko sa income ko. Baka may sobra, baka nadadala ko rin magulang ko sa ibang bansa – nagpipicture ng pang instagram, may savings, may position na. Baka. Baka gabi-gabe din akong nagiisip na sana, hindi ko isinuko iyong pangarap kong maging abogada.

Laban!

UNA. Gusto kong sabihin sa lahat na sobrang demanding ang law school pero hndi dapat siya maging dahilan para kalimutan natin kung ano ang mas mahalaga. Diyos. Pamilya. May buhay ka pa maliban sa mga libro at kasong iyan. Uubusin ng law school ang oras, pera at energy mo pero isang side lang iyon ng buhay. Huwag mong hayaang dumating iyong oras na itinaboy ka na ng mga tao o bagay na nilalaanan mo ng mga pinagsasakripisyohan at pinaghihirapan mo. Huwag kang OA. Please.

Nasagot mo sana iyong tanong, natapos mo sana iyong exam..kung hindi ka lang sana praning, OA at pressured. Minsan, simple lang iyong tanong eh, chinecheck lang ng prof kung nagkabisa ka ba talaga. Kaso inaaway mo pa iyong tanong, naghihinala ka pang trick question iyon at tratraydorin ka. Hindi magkaparehas ang jowa sa law school exams. Okay na?!

Sa sobrang pamremressure ko sa sarili kong magbasa ng kung anu-ano, hindi ko nasasagot or rather, hindi ko sinasagot mga messages at tawag ng parents ko, ng mga kaibigan ko. Usually, tatlo lang kinakausap ko para kahit papano maramdaman kong tao pa ako. Sa kanto na ako halos nakatira. Ini-indian ko rin ang mga kaibigan kong hobby na ang isumpa ako sa dalas nang pandro-drawing ko sa kanila. Bakit? Kasi ayokong ikwento kung gaano ako nagpapakatimang sa gusto kong abutin. Ayokong makita nila na nag s-struggle ako, na mukha akong miserable, na onti na lang, susuko na talaga ako. Ayoko na. Haaay, hindi pwede. Tulad ng karamihan sa mga law students, alam ng mga kanayon nila na matalino, magiging abodago sila, na malakas loob nila. Kaya hindi pwede, hindi talaga.

PANGALAWA. Magtiwala sa proseso. Kung ibinagsak ka ng professor mo dahil trip niya lang, lakas ngang maka BS noon pero magtiwala ka pa rin sa proseso. Lahat iyan, parte ng training mo, training mong maging mabuting tao, mabuting abogado. Kung ibinagsak ka ng professor dahil alam mong nagkulang ka talaga, magpasalamat ka dahil ayaw niyang dumating ang panahong minumura mo siya ng hard core habang nag babar exam ka kasi wala ka naman talagang natutunan sa subject niya. Iyon lang naman iyon.

PANGATLO.  Hindi dahil kaya ng iba, kaya mo rin ng katulad ng pagkaka-kaya nila. Hindi ko sinasabing hindi mo kaya, of course, kaya mo. Kaya ko! Pero may scheduling kasi ata talaga iyan eh haha joke. Iba-iba tayo ng drama sa buhay. Kaya. Hindi makakatulong sa iyo ang icompare mo ang sarili mo sa iba. Hindi dahil pumasa sila at bumagsak ka eh mas matalino o magaling na sila. Hindi ka bobo. Mas nakapag-aral lang sila. Or mas focus sila sa goal. Maraming factors. Pwedeng mas magaan ng 0.01 dinadala nila sa iyo kaya ganoon. Bakit mo pa ba iniisip kung bakit? Hindi na noon mababago grade mo.

Oo alam ko, pare-pareho lang tayo ng desire na pumasa at lahat tayo may mga sinasakripisyo. Pero hindi parin talaga dapat ang mag compare. Magkaiba  talaga eh. Iyong iba hindi nakakaebak ng walang bidet, iyong iba kerry kahit walang tubig, yes! Truth! So, there's really no point in comparing. Hindi mo ikapapasa iyan, ate. Hindi batayan ang grades sa law school para sukatin ang kalidad ng pagkataong mayroon ka. Hinding-hindi.

PANGAPAT. Hindi ka nagsasakripisyo ng kung anu-ano para lang sa wala. Isipin mo ang mga oras na sana tinulungan mo ang nanay mong mag saing at magsampay, kaso busy ka sa pagdadigest, or mga oras na sana rumaraket ka para may pangbayad kayo ng bills sa bahay, or sana naka date mo na iyong kinaka-obsesan mo ng dalawang taon kaso may pasok ka ng Sunday, or nakasama ka sa mga kaibigan mo, nakapag mall, nakanood ng sine, nakaligo ng ligong pantao, nakakakain ng masarap na walang time limit, peace of mind… iyong ganoon. Katahimikan ng utak na limited lang kaya minsan minsan mo lang na-avail. Iyon.

Kapag aral, aral! Itigil na ang pagpapanggap na umuupo ka sa kanto ng 16 hours, pagod na pagod pero hindi mo pa rin tapos ang coverage ng assignment niyo kasi ang dami-dami mo pang ibang iniisip. Iwan mo na sa bahay niyo ang issue mo tungkol sa kabitbahay mong 2 am kung kumanta ng “I don't wanna miss a thing” at “Run to you”, iwan mo na sa kung saan iyong worry mo tungkol sa hindi mo natapos na trabaho. Huwag mo nang isipin kung bakit hindi ka nireplyan ng crush mo pero seen zone. Pabayaan mo muna iyong bills, iyong globe, hindi sila nababawasan sa kakaisip mo sa kanila.

Hindi ko sinasabing huwag mong intindihin ang away ng magulang mo, o pabayaan mong maputulan kayo ng kuryente at mapalayas sa apartment, o tanggapin mo na lang na loner ka na. Nagsasakripisyo ka na eh, timbangin mo. Kalimutan mo MUNA. Hindi masosolusyunan ng pag-aalala mo ang mga problema sa ibang parte ng buhay mo.

Sabi nga ng professor ko sa subject na ito, hindi naman iyong bulk ng binabasa, inaaral o isinusulat iyong nakakamatay. Stress at pressure talaga. Iyon iyon.

Ito iyong nag-aral ka, nagmemorize ka pa, pero noong tinawag ka, “ma'am?” lang nasabi mo.

Grumaduate ka na ng college, professional ka na. Kahit puro 77 pa grades mo noon, still, may napatunayan ka na kahit papaano. Hindi ka bobo, the mere fact na nakapasok ka sa law school at  nakabisa mo kung ano ang treachery, bongga ka na doon. Maawa ka naman sa sarili mo. Huwag kang timang at praning. Enjoyin mo na lang, idasal mo. Ganoon talaga. Hindi mo kontrolado ang mga bagay-bagay. Kahit kailan, hindi ka magiging “prepared na prepared”, may sapi iyang profs mo na kahit nag cover to cover ka na, may itatanong pa rin silang hindi mo nadaanan. Ngayon ka maniwalang ang formula ay SIPAG + DASAL + SWERTE.

Excited ako sa 2018. Oo, isang taong late sa plano ko. At ayokong magpakaimpokrita, hindi pa ako sigurado na sa 2018, bar year ko na talaga. Pero dinadasal ko na siya sa puso ko, alam ko ibibigay Niya. At kung hindi man, hindi magbabago sa puso ko na magsimula noong una, kasama ko Siya sa bawat iyak at kaba, alam ko may katapusan ito. Excited ako sa 2018. Kasi pagkatapos ng lahat ng hirap at sakripisyo, makakalandi at tulog na ako. Tsaring tsaring. Makakapagtrabaho na ako ng maayos, makaka-ipon, magkakaoras na ako ng todo sa nanay at tatay kong hindi na bumabata. Mas makikita ko na iyong mundong hindi lang coffee shop sa kanto, school, at trabaho ang iniikutan. Excited ako kasi kahit hindi smooth sailing, taas noo—tinapos ko po.

Bago ko matapos ito, umidlip muna ako. Ayokong umiyak eh. Nagkulang naman talaga ako. Pag gising ko medyo madilim na. Buti nagising na ako. Nanaginip akong nag top ako sa bar, iniinterview ako sa TV at ang ganda ko, pramis. Buti, gising na ako. Haha

Masakit talagang bumagsak. Pero wala eh, wala ka nang magagawa doon. Tapos na.

Bangon na, uulit ka pa ng subject “with prayers and hard work, please” last na sana! :)



#lawstudent #paytlangpayt #lawschool #blues #failed 





Thursday, September 17, 2015

law student blues


10:30 PM, pagod na pagod ka galing sa traffic este sa trabaho, pero may otsenta ka pang kaso. natulog ka na nalang muna, napagdesisyunan mo sa buhay mo na mamaya ka na lang madaling araw mag hahabol ng basa. pagbalik mo sa ulirat, halos ihagis mo ang telepono mong hindi tumunog ang alarm, alas nuebe na,bakla!! kasi imbes na 1 AM review, ang nagawa mo 1 PM. hindi ka na nakabasa, late ka pa sa opisina. mapapaisip ka na lang kung bakit? ganoon na lang lagi?! lagi ka na lang bang mag hahabol? ng oras...


nakaligo ka ng wasto. pakiramdam mo, tao ka na ulit. nakaupo ka na sa paborito mong spot sa coffee shop, tama ang timpla ng kape mo at pakiramdam mo, matatapos mo sa isang upuan ang 3000 pages, buong libro . ganado ka, parang huling basa mo na sa buong ibubuhay mo, eh kaso may naramdaman kang weird, naeebak ka. uuwi ka at pagkatapos, sa reviewer ka na babagsak. life.


may beach trip ang mga tropa mong hindi mo katulad na ambisyosa, silang kuntento na sa pagiging supervisors at lead staff sa malalaking kumpanya, kaso may 100 case digests kang ipapasa sa loob ng tatlong araw, at may mga subjects ka pang 300 units in between the days. bakit laging hindi meant? pati sa beach trips parang ayaw ng pagkakataon? may balat ka ba sa pwet?


birthday ng nanay mo, ng best friend mong ikaw lang ang taunang kasamang mag birthday, ng tatay mong minsan lang magparamdam, ng crush mong sa wakas, after 3675962 years mong pagpapapansin, inaya ka rin... pero may final exam ka sa prof mong sobrang bait at ayaw magka-casualty sa bar exams kaya ngayon palang, pinapatay na kayong lahat. ngayon mo marerealize na magkaiba talaga ang law sa justice.


mayroon kayong 76 cases, 98 articles na assignment. nag leave ka sa opisina, napa 350 pesos ka sa coffee shop, pero dahil hindi ka Diyos, hindi mo natapos sa loob ng 16 hours na ibinuhay mo sa coffee shop ang coverage. may naiwan kang 5 kaso at 3 articles. wala na, ultimo mo matres mo nailuwa mo na. sukuan na. tapos, ikaw ang pinaka huling tinawag ni sir. nganga. huhusgahan kang hindi ka seryosong mag-aral, at sayang ang pera ng sambayanan sa mababa mong tuition fee sa iyo. hihingi ka na lang ng pagpapatawad. ganda pa naman ng damit mo today.


may pending kang promotion sa trabaho, ramdam mong onting kembot na lang, ibibigay na rin. pero pumalpak ka, nakalimutan mong mag-off ng computer kamamadali mo kasi maalalampasan ka na ng mrt/lrt. hindi ka rin umabot dahil puno na ang elevator pababa. iniwan ka na rin ng pinagpalit mo sa matagal mo ng inaasam na increase sa sahod. sabagay, sanay ka namang iniiwan. haaay, parang ang sarap mag mura.


minsan, mapapatulala ka nalang at magtatanong, iyong mga kaibigan mo, kapag long weekends, nasa bakasyunan, daming pictures, sarap Ipagba-block sa facebook, ikaw, nasa coffee shop, sinisilaban ang pwet kakahabol ng basa, minsan lang ang Petsa no opisina. minsan lang!!!!


pero hindi ka magrereklamo, oo, magtatanong ka, mapapaisip ka pero hindi ka susuko...magiinarte ka lang pero ang ending, uupo ka parin at kakabisa ng mga probisyon.


ngayong alas tres ng umaga, habang dapat, nag hahabol ako ng basa sa subject ko mamaya, lumulutang ang isip ko. noong nakaraang linggo, kaparehong araw, sa ika-18 atang pagkakataon, napa bukas ako ng bibliya. hindi ko na kinaya, naka ilang PI na ako dahil sa kaba at pressure. Saan siya kukuha ng tanong?!? Saan?!?! Ito iyong dahilan kung bakit hindi ako nagdadasal na mag top sa mga subjects, ikamamatay ko ang dehydration sa kakatae sa kaba. iyong pressure parang kapareha ng pressure ng magulang mo kapag 38 ka na tapos NBSB pa rin. habang nag babasa ako ng bibliya, may tumutulong luha. bakit ba ako nagpapakatimang? Weh no naman kung bumagsak, pero hindi eh, mawalan ka na ng yaman huwag lang ng yabang! naka-ilang leave ka na rin eh, gusto ka ng oferan ng boss mo ng libreng accommodation sa hospital kaka-sick leave mo. naalala ko, kapag may mabigat akong problema, kay Mama Mary ako lumalapit, naisip ko siya, never pang pumalpak ang line niya. kaso napagtanto ko, sayang, mas may mabibigat pa akong proproblemahin maliban dito, hindi pwedeng sayangin. okay fine.
Mama Mary, bahala ka na sa bar exams ko :)


Biyernes.

#lawstudent
#lawstudentblues
#paytlang









Saturday, December 13, 2014

LAW STUDENT AKO. Nakakabilib pakinggan, ang hirap panindigan. (Unang blog, apat na araw nang gising)




Nagpupuyat ka magdamag kaka-aral, araw-araw nagdadamit ka ng maganda para ano? Para patayuin, murahin at sumagot ng “I am sorry ma’am/sir, I do not know the answer”. 

Laude ka noong college? O lisensyadong accountant, teacher, engineer, architect or doctor? Wala silang pakialam. Tulad ng iba, na nakaraos sa college sa puro seventy-five na grade, mapapahiya ka at kakabahan.

Hindi ko alam, minsan parang nakakatawang isipin na kailangan mong pahirapan yoong sarili mo, imbes na nasa party ka, nakikipag-date, kasama pamilya, may sapat na tulog… asa coffee shop ka, hindi ka nagpapa-cute,  ngumunguya ka ng mga batas or asa library, minamaster mo ang pagbabasa ng pikit ang mata dahil dalawang araw ka nang gising kakamemorize.

Laking catholic school ako, pero noong pumasok ako sa law school napagtanto kong panis ang orasang rosary crusade sa dati kong school. Sa law school ako natutong mag express novena, maka-experience  araw-araw ng “close encounter” Sakanya (tuwing recit, humihiling na sana huwag munang mabunot yoong class card ko, na pramis, next week, aaralin ko na talaga lahat), itaas ang codal ng civil code sa Quiapo sabay dasal na sana , ipasa ka nang professor mong top 1 sa Bar Exams, sumali sa mga bible studies na tumatagal ng kalahating araw (na dati, yoong isang oras na misa sa relihiyon mo, binabargainan mo pa ng 15 minutes na bawas), at higit sa lahat, ang maging madasalin.

Sa kung sino man ang nagsabing “madali lang ang mag-aral ng batas, enjoyin mo lang” ay gusto kong sampalin ng hollow blocks, twelve na piraso, na may kasamang pala. Second year palang ako pero pakiramdamn ko, andami ko nang sakit. Heart ailment (mga mini heart attacks. araw-araw, tuwing bumabalasa ng class cards ang prof), ulcer (kakakape at hindi tama at regular na pagkain), LBM (oras-oras lalo kapag si ano ang prof mo haha, nakaka ebak sa kaba) at ramdam ko baog na rin ako kasi pati ata matres ko nailuwa ko na. Tama nga, “you have to produce something out from nothing”.    

Mahirap. Mahirap talaga. Lalo na kapag kailangan mo pang magtrabaho sa umaga para may pangtustos ka sa mga gastusin at pangkape sa Starbucks na kung saan isang 150 lang order mo pero parang tenant ka na nila sa tagal ng itinanambay mo, dinaig mo na ang love story na mula sunset to sunrise ang tema. Mahirap. Hindi madali. Sabi nila, hindi mo raw dapat pinagsisiksikan ang sarili mo. You should know your worth and that you deserve better. Well, kung late ka na at wala ka nang budget pang taxi, wala ka nang ibang choice kundi wag magmaarte at ipagduldulan ang sarili mo sa MRT/LRT para lang wag malate sa ala-sais mong klase habang…hawak mo yung codal mo, last sulyap ba.

Noong bata ako, ayokong napapakinggan ang mga linyang “bukas luluhod ang mga tala” at “may himala”. (pasintabi sa mga fansa nila). Ngayon, para na silang chewing gum, panghahawakan mo kahit na alam mong lugmok ka na.
Noong first year ako, napaisip talaga ako kung bakit may mga professors na laging galit, kailangang manigaw, magmura at mangpahiya. Kung hindi alam yoong sagot, e di ibagsak mo sa grade. Papagalitan mo pa, shunga na nga. Pero narealized ko rin yoong sa tingin kong dalawang swak na rason. Una, walang love life si sir/ma’am at hindi kasalanan ng mga law students yoon. Self-inflicted yoon at applicable ang “misery loves company”. Pangalawa, siguro dahil mas mararahas ang tao paglabas ng law school. Hindi nalang mura kundi bala, hindi nalang pagpapahiya kundi dudurugin ka talaga ng may hininga ka pa. Training. Tama, training. Yes. Ang galling nila mag-train. haha   

Naalala ko yoong unang tanong sa akin ng professor ko sa first day ko sa law school. “Why do you want to become a lawyer?” at hanggang ngayon, sa totoo lang, napapa-isip pa rin ako, bakit nga ba?! Kailangan kong mag sakripisyo ng oras, tulog, pera, opportunity sa career at higit sa lahat, ang chance magkalove-life para saan? Honestly, hindi ko alam. Pero sigurado ako, ito talaga yoong gusto ko. Na kahit buwis-bituka, hindi ko pwedeng itigil.

Mahirap, oo; pero hindi imposible. Nagawa na ng iba eh, baka kapag hindi mo isinuko, magawa mo rin. Walang masama sa mapahiya kahit titulado ka, mapalabas ng classroom kahit 45 years old ka na, bumagsak sa exam kahit laude ka. Wala. Kailngan mo lang humanap ng makakapitan para maituloy at matapos mo ang laban.

Napaka powerful ng Diyos. Sa paniniwalang kinalakhan ko, nagawa niya ang mundo sa loob ng pitong araw. Ano sa tingin mo? Hindi niya kayang ibigay sa iyo yang apat na letra lang na may tuldok? Sus! Isang utot lang Niya ‘yan! Eh bat pinahihirapan ka pa Niya? Actually, trip-trip Niya lang?! Simple, siguro, para may baon ka kapag hawak mo na yung apat na letrang may tuldok. Baon na magpapa-alala sa iyo kung para saan ang hustisya at constant reminder sa mga pagkakataong sumubok at humubog sa pagkatao mo bilang tamang nilalang. 


Payt lang nag payt! Syempre, kahit ang Diyos namahinga rin. Tao ka lang. hindi ka immortal.:)